Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni Senator Jinggoy Estrada na humihiling na ibasura ang natitirang kasong graft laban sa kanya.
Sa resolusyon ng Special Fifth Division ng Sandiganbayan, tinanggihan ang demurrer to evidence ni Estrada, kung saan ipinunto na malinaw na napatunayan ng prosecutors sa pamamagitan ng mga testimonya ng mga whistleblowers, mga testigo at documentary evidence, na nakipagsabwatan ang Senador sa mga kapwa niya akusado para makakuha ng kickbacks sa kanyang priority development assistance fund (PDAF).
Ang mga pondo sa mga gawa-gawa na livelihood projects ay inindorso sa nongovernmental organizations (NGOs) na sinasabing pagmamay-ari ni convicted businesswoman Janet Lim-Napoles.
Ang kaso ni Estrada ay isa sa maraming naihain laban sa mga mambabatas na may kaugnayan sa pork barrel scam na utak si Napoles.
Nahaharap pa si Estrada ng 11 na bilang ng graft matapos na mapawalang-sala sa plunder nitong nakalipas na taon.
Siya ay nahatulan sa bawat direct at idirect bribery dahil sa umano’y pagbulsa ng P6.7 million na may kaugnayan sa misappropriation ng kanyang PDAF, subalit binaliktad ng Sandiganbayan ang desisyon noong buwan ng Agosto.