TUGUEGARAO CITY- Hindi pa rin pinapayagan ang “motorcycle backriding” sa lungsod ng Tuguegarao City.
Ayon kay PLt Jhonalyn Tecbobolan, Chief of Police ng PNP-Tuguegarao, bagamat mayroon nang ibinabang direktiba si Interior Secretary Eduardo Año na pinapayagan na ang backriding sa mga mag-asawa, live-in at magkasintahan na nakatira sa iisang bahay, hanggang ngayon ay wala pang malinaw na guidelines ukol dito.
Dahil dito, sinabi ni Tecbobolan na ipinagbabawal pa rin ang backriding sa lungsod hangga’t walang malinaw na guidelines na ibinababa sa kanilang hanay.
Kaugnay nito, ilang indibidwal na ang kanilang nabigyan ng warning nang mahuling may angkas.
Nanawagan naman si Tecbobolan sa mga kinauukulan na kung gagawa ng design sa paglalagay ng barrier sa backriding dapat isaalang-alang ang kaligtasan ng sakay nito at siguraduhing hindi magiging sanhi ng aksidente.
Samantala, nanawagan din si Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao sa publiko na huwag munang mag-angkas sa motorsiklo dahil wala pang malinaw na guidelines.
Wala pa rin aniyang basehan kung ano ang maaring ipapataw na parusa kung sakali na walang maipakitang matunay o dokumento na iisang bahay nakatira ang magkaangkas.
Dahil dito, hinimok ng alkalde ang publiko na hintayin lamang ang ibababang guidelines bago ipatupad ang backriding.