Kinasuhan na ang driver ng isang closed van na nakasagi ng isang motorsiklo na nagresulta sa pagkasawi ng rider sa bayan ng Sta Ana, Cagayan.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide and damaged to properties ang kinakaharap ni Jerry Addun, 53-anyos at construction worker mula Tuguegarao City na nasa kustodiya ng pulisya.

Desidido naman ang pamilya ng biktimang si Joel Poblete, nasa tamang edad, caretaker ng isang establisyimento sa bayan ng Sta Ana at residente ng Buguey, Cagayan na itutuloy nila ang kaso laban kay Addun.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ni PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP-Sta Ana, dakong alas 3:00 ng hapon nang aksidenteng sumagi ang motorsiklo sa kasalubong na closed van sa bahagi ng pakurbadang lansangan ng Sitio Dalupang, Nangaramoan Rd.

Dahil dito, tumilapon ang biktima sa sementadong lansangan na nasa kanyang linya na sanhi ng kanyang tinamong mga sugat sa katawan, kabilang na ang tinamong pinsala sa ulo at wala itong suot na helmet.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na papasok sa bahagi ng mga beach ang suspek, kasama ang iba pang pasahero nito na pawang nasa ligtas namang kalagayan habang palabas naman ang biktima na aniyay nasa impluwensiya ng alak.