Ikinokonsidera ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapataw ng maximum suggested retail prices (MSRP) sa bawang at itlog.
Gayunpaman, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi muna ipapatupad ang maximum price cap para sa imported garlic dahil sa naka-focus ang DA sa pagkontrol sa presyo ng bigas at baboy.
Sinabi ni Tiu Laurel na ang panukala na magpataw ng MSRP sa bawang ay una nang tinalakay, subalit pinigil muna ito matapos bumaba ang presyo ng per kilo ng produkto sa P100, mula sa peak price na P160 per kilo.
Ang nasabing peak price ay doble sa tinatayang presyo na P80 per kilo ng imported garlic.
Umaangkat ang bansa ng nasa 95 percent ng bawang.
Kasabay nito, sinabi ni Tiu Laurel na sinusubaybayan na rin ng DA ang presyo ng mga itlog para matiyak na hindi ito magkakaroon ng sobrang pagtaas.
Ayon sa kanya, ang tumataas na demand ay bunsod ng election spending at tumataas na chicken mortality mula sa mas mataas na temperatura ang dahilan ng paggalaw ng presyo ng mga itlog.
Sinabi niya na minomonitor ng ahensiya ang mga lugar na ang presyo ng mga itlog ay mula P6 hanggang P8 bawat piraso, mas mababa sa ulat na P10 hanggang P12 bawat piraso.