Mananatili ang itinakdang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) para sa imported na bigas kahit pa pansamantalang ipinatigil ang pag-aangkat ng bigas sa loob ng 60 araw, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa ilalim ng patakaran, nananatiling P43 kada kilo ang presyo ng 5% broken imported rice, mas mababa sa dating P45 kada kilo noong nakaraang buwan.

Layunin nitong mapanatili ang kaayusan sa merkado habang ipinatutupad ang dalawang buwang import ban na inutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula Setyembre hanggang Oktubre.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na patatagin ang presyo ng palay, na bumagsak sa P8 kada kilo—mas mababa pa kaysa sa gastusin ng mga magsasaka sa produksyon.

Ayon sa DA, patuloy nilang babantayan ang galaw ng suplay at presyo sa merkado, kabilang ang kalakaran sa hanay ng mga retailer, wholesaler, at importer.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi kasama sa import ban ang mga specialty rice tulad ng Japanese, black, at basmati rice.

Batay sa datos ng Bureau of Plant Industry, aabot sa mahigit 2.4 milyong metriko tonelada ng bigas ang naangkat ng bansa mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.