
Nilinaw ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na wala itong hurisdiksyon sa AI-generated na video at editoryal ng China Daily na umani ng batikos dahil sa umano’y racist at mapanlait na paglalarawan sa mga Pilipino.
Sa pahayag ng MTRCB sa pamumuno ni Chairperson at CEO Lala Sotto, sinabi ng ahensya na ikinadismaya nito ang naturang nilalaman at nagpahayag ng suporta sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtutol sa mga ganitong uri ng materyal.
Bagama’t hindi saklaw ng mandato ng MTRCB ang naturang content, iginiit ng ahensya na mahalaga ang responsableng paggamit ng artificial intelligence at iba pang makabagong teknolohiya sa paglikha at pagpapalaganap ng media content.
Binigyang-diin din ng MTRCB ang pagdami ng mga mapaminsalang nilalaman sa mga digital at social media platform na madaling naa-access ng mga batang manonood.
Dahil dito, nanawagan ang ahensya ng mas pinaigting na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga content creator, at mga digital streaming platform upang maisulong ang responsable at ligtas na pagpapalabas ng mga nilalaman sa publiko.




