Tiniyak ng Metropolitan Tuguegarao Water District (MTWD) at City Health Office ng Tuguegarao ang sapat na suplay ng tubig at kaligtasan para sa inaasahang 20,000 delegado sa 10-araw na PRISAA meet sa 2025.
Inihayag ni Engr. Miler Tanguilan, General Manager ng MTWD na bilang paghahanda, pinalakas nila ang operasyon at pinalawig mula 9 na oras patungong 24-oras na serbisyo.
Ayon kay Tanguilan, nakipag-ugnayan din ang MTWD sa mga lokal na ahensya kabilang ang Bureau of Fire Protection, lokal na pamahalaan ng Tuguegarao, at provincial government upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig, kabilang ang paglilinis ng mga water tanks sa mga paaralan at pagdagdag ng mga water containers dahil limitado ang bilang ng mga water tanks.
Bukod dito, sinabi ni Tanguilan na hindi magsasagawa ng malalaking repair at improvement projects ang MTWD sa panahon ng PRISAA meet, maliban na lang kung may emergency.
Samantala, sinigurado naman ng City Health Office ng Tuguegarao na magkakaroon ng malinis na access ng tubig at pagkain ang mga atleta at bisita.
Ayon kay Dr. Robin Zingapan, City Health Officer, Tuguegarao City kasama sa kanilang mga hakbang ang pakikipagtulungan sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at Department of Health (DOH) upang masiguro ang kalinisan at kaligtasan.
Pinalakas din nila ang pag-inspeksyon sa mga pagkain mula sa mga restaurant at carinderia, pati na rin ang mga accredited na water refilling stations, upang matiyak na ang lahat ng suplay ng tubig at pagkain ay ligtas at malinis.
Dagdag pa rito, sinabi ni Zingapan na kung sakaling magkaroon ng injury o mga nasaktan, handa ang kanilang medical team na magbigay ng agarang lunas at gamot.
Nanawagan naman si Zingapan na sana ay maging marespeto at magalang ang mga local na mamamayan ng lungsod sa mga atleta at bisita.