TUGUEGARAO CITY- Nilinaw ni Engr. Miller Tanguilan, general manager ng Metropolitan Tuguegarao Water District na walang water rate hike noong panahon ng Enhanced Community Quarantine.
Sinabi ni Tanguilan na noon pang Enero ipinatupad ang water rate hike at ngayon lang naramdaman ng mga consumers.
Bukod dito, sinabi ni Tanguilan na tumaas din ang konsumo ng mga nasa residential areas.
Sinabi niya na ang kanilang sinisingil ay base lamang sa konsumo sa tubig at walang pagtaas sa water rate.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Tanguilan ang computation nila sa water bill noong Abril at sa bagong meter reading ngayong Mayo.
Ayon sa kanya, nagsagawa sila ng table reading sa panahon na hindi sila nagsagawa ng actual na meter reading noong panahon ng ECQ.
Ito aniya marahil ang dahilan kaya may mga nagrereklamo na tila tumaas ang kanilang water bill ngayong buwan ng Mayo.
Sinabi ni Tanguilan na bukas ang kanilang tanggapan sa anomang reklamo ng kanilang mga consumers.