Simula bukas (April 15) ay bubuksan na ng Metro Tuguegarao Water District ang kanilang opisina sa Tuguegarao City at Solana sub-office para sa mga nais magbayad ng kanilang water bill.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Engr. Miller Tanguilan, general manager ng MTWD na layunin ng pagtanggap sa bayad ng konsumo sa tubig ay upang hindi mabigatan o maipon ang bayarin ng mga member-consumers.

Bilang preventive measures kontra COVID-19, sinabi ni Tanguilan na hindi papayagang makapasok sa kanilang opisina ang mga walang face mask at magkakaroon din ng thermal scanning upang masuri ang body temperature ng bawat empleyado na nasa skeletal force at customer.

Ang sinomang rerehistro ng 37.8 o higit pa na body temperature ay hindi papayagang pumasok.

Maliban sa thermal scanners, naglagay din ang MTWD ng mga hand sanitizers at alcohol sa kanilang opisina at ipinagbabawal din ang pagdudura.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang ipinagpaliban ng MTWD ang paniningil sa mga billing na may due date na tatapat sa panahon ng quarantine dahil sa COVID-19.

Samantala, bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility program ng MTWD ay naglagay ito ng mga handwashing areas sa mga pampublikong lugar sa Tuguegarao City at kalapit na mga bayan.

Sinabi ni Tanguilan na limang handwashing areas ang naitatag sa lungsod na matatagpuan sa Macapagal Avenue satelite market, Mall of the Valley at Cagayan Valley Medical Center habang tig-isa naman sa bayan ng Piat at Solana.

Ito ay araw-araw na binibisita ng kawani ng water district upang maglagay ng sabon at sarado naman sa oras ng curfew maliban lamang sa nasa CVMC na bukas 24 hours.