Inaasahang magpapayabong hindi lamang sa aspeto ng produksyon kundi pati na rin sa turismo at agrikultura ang muling pagbuhay sa industriya ng asin sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan.
Ayon kay Carla Pulido Ocampo, tourism officer at tagapagsalita ng LGU- Sanchez Mira na puspusan ang paghahanda ng lokal na pamahalaan sa pagpapalago sa paggawa ng asin sa tradisyonal na paraan na kakaiba sa mga gumagawa ng artisanal salts gaya ng Asin Tibuok mula sa Bohol.
Ang paraang ito ng paggawa ng asin sa pamamagitan ng pagdidilig ng tubig-dagat sa pagawaan ng asin sa dalampasigan ay makaka-engganyo ng mga turista na magpapalakas sa ekonomiya at magbibigay kabuhayan sa mamamayan.
Dagdag pa ni Ocampo na mataas ang demand ng Sanchez Mira sa sea-salt dahil ito ang pangunahing sangkap sa paggawa ng kanilang produkto tulad ng bagoong, dried fish at longganisa.
Ginagamit rin ang asin bilang pataba sa niyog na isa rin sa kanilang produkto.
Posible aniyang simulan ang pilot testing para sa salt production sa Brgy Masisit sa buwan ng Marso sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nangako ng pondo, Department of Trade and Industry para sa pagsasanay sa mga salt makers, Department of Science and Technology para sa pagtukoy sa mga coastal barangay na maaaring gumawa ng asin at Department of Tourism para sa marketing promotions.
Bukod sa sun-drying method sa paggawa ng asin ay ipapakilala rin sa mga salt maker ang isang teknolohiya na makakagawa ng asin kahit walang araw.
Sinabi ni Ocampo na dahil sa Asin Law at mababang pasahod sa mga magsasaka ng asin noong 1990 kung kaya natigil ang paggawa ng asin sa Sanchez Mira.