TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan umanong isinasagawa ng Department of Health (DOH)-Region 2 at Local Government Unit (LGU)-Tuguegarao ang assessment sa sitwasyon sa lungsod kung nararapat bang isailalim sa total lockdown.
Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, kailangan pang obserbahan ang mga naitatalang kaso ng covid-19 sa lungsod at ang rekomendasyon mula sa DOH bago muling magpatupad ng lockdown.
Kaugnay nito, pinag-iingat ang publiko para hindi na dumami ang bilang ng kaso ng virus sa lungsod at sumunod sa mga pinaiiral na health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield.
Sa ngayon, sinabi ng alkalde na wala pa ring pagbabago sa kasalukuyang ipinapatupad na Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa lungsod .
Samantala, nanawagan si Soriano sa publiko na iwasan ang diskriminasyon sa mga health care workers dahil sila ang pangunahing humaharap sa pandemyang dulot ng covid-19.
Pahayag ito ng alkalde nang makaranas ng diskriminasyon ang mga health care workers sa Peoples General Hospital matapos gawing isolation facility.