Naging tensiyonado ang muling pagsisilbi ng mga pulis ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa Kingdon of Jesus Christ compound sa Davao City kaninang 5:00 a.m.
Nasa 2,000 na mga pulis mula sa PNP Region 11, 12, at 13 ang pumunta sa KOJC compound, kung saan sinalubong sila ng mga miyembro ng KOJC at nakiusap subalit hindi sila pinagbigyan.
Binigyang-diin ni PBGen. Nicolas Torre III ng PNP Region 11 na sinusunod lamang nila ang utos ng korte na isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy dahil sa mga kinakaharap na mga kaso na sexual at child abuse at human trafficking.
Sinabi ni Torre sa mga supporters ni Quiboloy na hindi ito ang panahon para makipagdebate dahil ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin.
Kaugnay nito, sinabi ni Lorraine Badoy, na sinira umano ng mga pulis ang mga CCTVs sa compound at plano umano ng mga ito na magtanim ng iligal na droga.
Sinabi pa ni Badoy na may mga eroplano umano ng US na umiikot at nagmamanman sa compound ng KOJC.
Tinawag pa ni Badoy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na traydor dahil sa pagtataksil umano kay Quiboloy na tumulong umano sa kanya noong panahon ng pangangampanya.
Inakusahan din niya si Marcos na alila ng Estados Unidos.
Mariing kinondena naman ni Eleonor Cardona, miyembro ng KOJC ang ginagawa ng Marcos administration na panggigipit kay Quiboloy.
Dahil dito, sinabi ni Cardona na magmamartsa sila sa MalacaƱang para ipakita ang kanilang pagkondena.
Sa kabila nito, nanindigan si Torre na itutuloy pa rin nila ang paghahanap kay Quiboloy na pinaniniwalaan na nagtatago sa loob ng KOJC compound.