Kinumpirma ni Batanes Acting Governor Ignacio Villa na walang naitalang pinsala sa lalawigan matapos maramdaman ang muling pagyanig nitong Miyerkules ng umaga, April 15.
Base sa isinagawang inspeksyon, sinabi ni Villa na maayos at walang pinsala ang lindol sa mga ari-arian at pangunahing imprastruktura sa lalawigan.
Bandang alas 10:01 ng umaga ng tumama ang epicenter ng lindol sa layong 66 kilometers Southeast ng Sabtang na may 5.0 magnitude habang naramdaman ang Intensity III sa Basco, Ivana, Mahatao, Uyugan sa Batanes at Calayan sa Cagayan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umaabot sa 8 kilometro ang lalim ng lupa ng naturang lindol at tectonic ang origin.
Unang niyanig ng 6.0 magnitude ang Batanes noong Sabado, April 11, 2020.
Samantala, sinabi ni Villa na tuloy-tuloy ang pagbabantay ng pamahalaang panlalawigan sa sea port kaugnay sa ipinapatupad na temporary travel restriction policy dahil sa COVID-19.
Sa ngayon ay nananatiling COVID-free ang lalawigan ng Batanes.