TUGUEGARAO CITY-Inamyendahan ng City Council ang naunang ordinansa na nagpapataw ng multa sa mga nahuhuling walang dalang covid shield control pass sa lungsod.
Sa virtual special session ng konseho ng Tuguegarao, inaprubahan ng mga miembro ng konseho ang panukala ni Vice Mayor Bienvenido De Guzman na babaan ang ipapataw na multa sa mga control pass violators.
Dahil dito, ginawang P500 ang multa sa unang paglabag, P1,000 sa pangalawang paglabag at P1,500 sa pangalawang paglabag.
Una rito, ayon kay De guzman, marami ang umalma sa napakataas na multa sa mga nahuhuling lumalabas na walang control pass kung saan batay sa ordinansa na unang ipinasa ng konseho pagmumultahin ang mga walang control pass ng P2,000 sa first offense, P3,000 sa second offense at P5,000 sa third offense.
Paliwanag ng bise alkalde na nagbigay sila ng konsiderasyon dahil nauunawaan nila ang sitwasyon ng mga mamamayan na marami ang nawalan ng pagkakakitaan dahil sa pandemic.
Kailangan ang paggamit ng covid shield control pass sa lungsod para malimitahan ang mga residente na lumalabas sa kanilang mga tahanan.
Nilinaw naman ni De Guzman na mananatili ang mataas na multa sa mga lalabag sa mga inilatag ng national covid-19 task force na mga alituntunin laban sa covid-19 gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.