Inaasahang malaking tulong para sa mas malaking kita ng mga magsasaka ang planong pagtatayo ng “Multi Grains Trading Center” sa lalawigan ng Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Danilo Benitez, special assistant for agriculture ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), na ito ang naiprisinta kay Governor Manuel Mamba na nakikitang long-term solution upang matulungan ang mga naluluging magsasaka dulot ng mababang presyuhan ng palay.

Paliwanag ni Benitez na kailangan ang malaking pondo kung gagayahin ang ibang probinsiya tulad ng Nueva Ecija na naglaan ng P20 milyon sa pagbili ng palay na sapat lamang upang matulungan ang apat na libong magsasaka.

Aniya, 25,000 magsasaka mayroon ang Cagayan na nangangailangan ng mas malaking pondo.

Ayon kay Benitez, ang trading center ay magsisilbing one-stop site upang bilhin ang mga palay na hindi pa napapatuyo ng mga magsasaka na kanila namang patutuyuin, igigilik at ibebenta sa merkado o sa mga traders.

-- ADVERTISEMENT --

Ang konsepto ay ginaya sa bansang Thailand na may layuning madiktahan ang presyuhan upang mapataas ang kita ng mga magsasaka.

Ang pasilidad ay pamamahalaan at patatakbuhin ng kooperatiba sa ilalim ng superbisyon ng Pamahalaang Panlalawigan at Department of Agriculture (DA).

Sinabi ni Benitez na planong itayo ang pasilidad sa Barangay Naruangan o Lacambini sa bayan ng Tuao na malapit sa itinatayong Chico River Irrigation Project.

Samantala, tinutukoy na ng DA at pamahalaang panlalawigan ang mga magsasakang may mababa sa isang ektaryang sinasaka at mga magsasakang sumasaka sa small water impounding project (SWIP).

Layon nitong pagkalooban ng P15,000 na pautang ng Landbank ang 1,375 magsasaka sa ilalim ng SURE Aid program o Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers.

—with reports from Bombo Bernadeth Heralde