Nananatiling mapayapa ang isinasagawang joint sea at air exercises sa pagitan ng Pilipinas, Australia, Canada at United States sa West Philippine Sea.

Ito ay sa kabila ng pagbuntot ng tatlong Chinese Navy vessel sa convoy ng mga military vessel ng apat na bansa.

Maalalang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawang pagbuntot ng China sa naturang convoy gamit ang PLA-Navy WUZHOU (FSG 626) Jiangdao II Class Corvette, PLA-Navy HUANGSHAN (FFG 570) Jiankai II Class Corvette, at PLA-Navy QUJING (FSG 668) Jiangdao II Class Corvette.

Pero ayon kay AFP Public Affairs Office chief Colonel Xerxes Trinidad, nananatiling ligtas ang mga kalahok sa naturang military drill habang tinitiyak nitong ang seguridad at kaligtasan ng mga kalahok ang pangunahing prayoridad dito.

Kahapon nang sinimulan ang naturang drill na tinawag na “multilateral maritime cooperative activity” (MMCA) sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa joint statement na pinirmahan nina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr.; Australian Chief of Defense Force, Adm. David Johnston; Canadian Chief of Defense Staff, Gen. Jennie Carignan; at US Indo-Pacific Command chief Adm. Samuel Paparo, ang naturang drill ay binubuo at nilalahukan ng mga navy at air force units.

Gagamitin umano ang pagkakataon para mapalakas ang kooperasyon at interoperability sa pagitan ng quad countries.

Nakasaad pa sa pahayag ng mga military chief ng apat na bansa na lahat ng isasagawang bahagi ng drill ay salig sa international law.

Ang naturang drill ay ang pinakaunang isinagawa sa kasaysayan ng apat na bansa at magtatagal ito hanggang ngayong araw ng Huwebes, Aug 8.

Samantala, ginagamit ng Pilipinas ang isang missile frigate nito: BRP Jose Rizal (FF-150), kasama ang AW-159 “Wildcat” anti-submarine helicopter at isang offshore patrol vessel, BRP Ramon Alcaraz (PS-16).