TUGUEGARAO CITY-”Mawala ang diskriminasyon sa Muslim Community”.
Ito ang kahilingan ni Acmad Rachmadin Duran Cosain, Vice President ng Muslim Tuguegarao Association Incorporated kasabay ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Eid Al Adha, ngayong araw.
Ayon kay Cosain, ang mga Muslim ay suportado ang kapayapaan at hindi banta sa kaguluhan sa bansa.
Aniya, malaki ang epekto sa kanilang grupo ang nangyayaring diskriminasyon dahil maging sakanilang pagsamba ay hinihingan na sila ng I.D na mariin namang tinututulan ni Cosain.
Mas maganda pa aniya na hingan sila ng I.D kung ito ay may kaugnayan sa pagpapanatili sa kaayusan at kapayapaan ng lungsod.
Samantala, mariin namang tinututulan ni Cosain ang ideya ng ilan, na ang mga muslim ay kabilang sa Islamic State of Iraq and Syria o ISIS na nagsasagawa ng karahasan sa bansa maging sa ibang bansa.
Sa katuyanan aniya ay kalaban ng Islam ang teroristang grupo dahil gumagawa umano ang mga ito ng paraan para pabagsakin ang kanilang relihiyon.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Cosain ang kapwa niya Muslim na patatagin ang kanilang paniniwala kay Allah sa pamamagitan ng pagsasamba ng limang beses sa isang araw at iwasan ang mga bisyo.
Kinakailangan din umanong makipag ugnayan kaagad sa kanilang mga lider kung may mapansin na may nagtuturo ng maling ideoliya upang maipaabot sa kinauukulan.