
Itinulak ng military-backed government ng Myanmar ang panawagan ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN para sa pagpapalaya kay dating leader Aung San Suu Kyi at pagtatalaga ng special envoy para sa bansa.
Ayon sa foreign ministry ng Myanmar, hindi na kailangan ang pagpapatuloy ng mandato ng ASEAN special envoy matapos ang halalan sa bansa na ginanap noong Disyembre at Enero at pinanalunan ng partidong suportado ng militar.
Samantala, iginiit ni Thai Foreign Minister Sihasak Phuangketkeow matapos makipagpulong kay Myanmar President Min Aung Hlaing sa Bangkok na nais ng Thailand ang kapayapaan at katatagan sa Myanmar bilang bahagi ng peace plan ng ASEAN.
Muling nanawagan ang ASEAN na makausap ng kasalukuyang special envoy nito, ang Philippine Foreign Secretary, si Suu Kyi at iba pang political prisoners, at hiniling ang kanilang unconditional release.
Si Suu Kyi, 81, ay kasalukuyang nagsisilbi ng 18-taong sentensiya dahil sa ilang kasong itinatanggi niyang ginawa. Sinabi naman ng Myanmar government na ang anumang ganap at unconditional release sa kanya ay dapat dumaan sa umiiral na batas.
Naging tensiyonado ang ugnayan ng Myanmar at ASEAN mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan noong 2021, na nagpasiklab sa isang civil war na kumitil na umano ng libo-libong buhay at nagpalikas sa milyun-milyong residente.










