Itinanggi ng staff ni Senator Robinhood Padilla na si Political Officer 6 Nadia Montenegro na gumamit siya ng marijuana sa loob ng Senado.
Iginiit ni Montenegro sa isinumite niyang limang pahinang explanation letter na malayo sa katotohanan ang mga lumabas na news article.
Bagama’t totoong nilapitan at tinanong siya ng staff ng Office of the Senate Sergeant-At-Arms (OSSAA) matapos na isumbong ng isang staff ni Senator Panfilo Lacson na amoy marijuana ang comfort room ng mga babae, pinabulaanan ni Montenegro ang paggamit ng ipinagbabawal na droga.
Bukod dito, hindi rin siya gumamit ng comfort room ng babae at sa halip ang ginamit niya ay PWD CR.
Pinakita at ipinaamoy rin niya sa tauhan ng OSSAA ang dalang vape sa bag na “grape” flavor para matukoy kung iyon ba ang naamoy.
Dahil aniya sa mga lumabas na ulat na siya ay nag-marijuana sa loob ng Senado ay naging tampulan ng pang-iinsulto ang kanyang mga anak at nahusgahan at napahiya na siya sa mata ng publiko.
Nagdulot na aniya ang mga nangyari ng matinding stress sa kanya at sa kanyang mga anak kaya minabuti niyang magbitiw na lang sa pwesto bilang respeto sa Senado at kay Sen. Padilla.
Iginiit ni Montenegro, hindi nangangahulugang guilty siya kundi ang kanyang resignation ay para sa mental health at kapakanan niya at kanyang mga anak.