Naaresto ang isang babae sa Baragay Matabungkay Lian, Batangas matapos madiskubreng nag-aalok ng serbisyong dental online kahit wala lisensya.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ginamit umano ng suspek na kinilalang si alyas ‘Perla’ ang social media upang mag-alok ng mas murang dental procedures at produkto.
Dahil dito, agad namang inaksyunan ng mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat mula sa publiko.
Nasamsam sa kanyang bahay ang mga gamit pang-dental tulad ng probe, tweezers, dental cement, at orthodontic brackets.
Batay pa sa CIDG-Batangas, ang operasyon ay isinagawa sa tulong ng lokal na pulisya at Philippine Dental Association, bilang bahagi ng kampanya kontra illegal practice ng propesyon.
Dahil dito, pinaalalahanan ng mga otoridad ang publiko na siguraduhing lisensyado ang mga propesyon na pinupuntahan upang maiwasan ang posibleng panganib sa kalusugan.