Nakatakdang magsagawa ng aerial inspection ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 sa nangyaring landslide sa Sierra Madre Mountain Range sa Quirino Province.
Ayon kay DENR Regional Director Gwendolyn Bambalan na inaantay na lamang nila ang kumpirmasyon mula sa Philippine Air Force (PAF) para sa air asset na gagamitin sa isasagawang imbestigasyon ng kanilang team, kasama ang Geologist ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) upang matukoy ang dahilan at lawak ng pinsala ng pagguho ng lupa na natukoy sa bahagi ng Brgy. Villa Gracia, Maddela, Quirino.
Kasabay nito ay nilinaw din ni Bambalan na natural phenomenon ang naganap na pagguho ng lupa sa lugar batay sa naging assesment ng ipinadalang investigation team ng ahensya na tatlong araw bago nakarating o natunton ang lugar.
Wala din aniyang nakitang anumang iligal na aktibidad sa lugar tulad ng illegal logging at pagkakaingin o komunidad sa lugar subalit may nakitang dumadaloy na tubig mula sa tuktok ng bundok na patutunayan sa isasagawang aerial survey.
Matatandaan na agad nagpadala ng investigation team ang ahensya matapos matanggap ang ulat kaugnay sa kumalat na larawan ng pagguho ng lupa sa Sierra Madre.