Nagulat ang mga residente at motorista matapos magtayo ng iligal na barikada sa isang pampublikong kalsada ang isang grupo sa Barangay San Ignacio, Manay, Davao Oriental.

Naniningil umano ang mga ito ng bayad sa mga dumaraan na nagdulot ng pagsisikip ng trapiko sa lugar.

Kinilala ng Manay Municipal Police Station ang lider ng grupo na si Datu Watawat, na kilala rin sa alyas na “Senior Rubin Hari.”

Nagpakilala raw ito na siya ang nagmamay-ari ng sanlibutan kaya’t may karapatan di umano siyang maningil ng renta sa sinumang dadaan sa kalsada pati na sa pamahalaan.

Agad namang binalaan ng pulisya ang grupo at iniutos ang pagtatanggal ng mga harang, kabilang ang tatlong krus para makadaan ang mga residente at mga biyahero.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng Manay PNP kaugnay ng paniningil at iligal na paglalagay ng barikada ng grupo at pinag-aaralan kung posibleng makasuhan ang mga ito.