Peke umano ang doktor na nagtuli sa isang 10-anyos na lalaki na nasawi matapos ang operasyon sa Tondo, Maynila.

Ang gumawa ng nasabing operasyon ay isa umanong babaeng senior citizen na isang midwife o komadrona at nagpapanggap umanong doktor.

Naaresto noong 2023 ang suspek matapos salakayin ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang isang lying-in clinic sa Balut, Tondo, Maynila.

Nakatanggap kasi sila ng reklamo na ang nangangasiwa raw ng clinic ay isang babaeng senior citizen na nagpapanggap umanong doktor.

Ginagamit daw ng suspek ang pangalan at license number ng isang lehitimong doktor na nakatrabaho niya mahigit 20 taon na ang nakalipas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa barangay, nakapagpiyansa ang suspek noon.

Ngayon, siya rin umano ang nagpakilalang doktor at tumuli sa sampung taong-gulang namanay nitong Sabado.

Ayon sa barangay, matagal nang walang permit ang clinic ng suspek.

Kinumpirma rin ng nanay ng bata na si Marjorie na ang babaeng nahuli noong 2023 at ang babae na nagpakilalang doktor sa kanila ay iisa.

Sa kuwento niya, natuklasan niya lang online ang clinic dahil assistant doon ang isa sa kaniyang mga kakilala.

Sinabi pa raw sa kaniya na tatlo na ang kanilang natuli noong araw na iyon.

Sa halagang P1,200, napapayag na si Marjorie na doon ipatuli ang anak.

Bago tuliin, tinurukan daw ng anesthesia ang kaniyang anak, na ayon sa assistant sa clinic ay nasa 20 cc ang dose.

Ilang minuto matapos ang pagtutuli, napansin ni Marjorie na biglang nanginig ang kaniyang anak.

Matapos mangyari ang insidente, dinala niya sa Manila Police District ang babaeng nagtuli sa kaniyang anak.

Pero pinauwi rin ang suspek dahil kailangan pa raw i-autopsy ang bangkay ng bata.

Nakatakdang i-autopsy ng NBI ang bangkay ng bata para malaman ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.