CTTO: Jeff San

Hindi nakalusot sa mahigpit na implementasyon ng “No helmet No Travel Policy” ang isang security guard na hinarang sa chekpoint dahil sa paggamit ng kaldero bilang helmet sa Tuguegarao City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jonas Taguiam ng Traffic Management Group na sinita sa bahagi ng Bonifacio St. ang suspek na si Rodolfo Chavez, Jr, residente sa bayan ng Solana habang naka-angkas sa motorsiklo dahil sa suot na kaldero sa ulo.

Ayon kay Taguiam, nakainom ang suspek kabilang ang driver nito na may suot namang helmet na posibleng nagpapansin lamang makaraang mag-viral sa social media ang video ng paghuli sa kanila.

Pinatawan ng multang P200 ang suspek sa paglabag sa lokal na ordinansa sa di pagsusuot ng tamang helmet.

Sinabi ni Taguiam na humingi rin ng paumanhin ang suspek matapos pagsabihan sa ipinakitang kawalan ng respeto nito sa umiiral na ordinansa at sa mga law enforcers.

-- ADVERTISEMENT --

—with reports from Bombo Romel Campos