Napag-alaman ng Bureau of Immigration na nag-aral sa isang institution na pinapatakbo ng Chinese military ang nahuling umano’y Chinese spy.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, nadiskubre nila na ang nasabing Chinese national ay produkto ng unibersidad na pinapatakbo ng People’s Liberation Army.
Siya ay information technology specialist at ang kanyang ginagawa ay nangangalap ng mga impormasyon sa mga tinatawag ng mga imprastraktura na critical sa ating bansa.
Ayon kay Viado, magkakaroon ng mas masusing imbestigasyon upang malaman ang tunay na motibo ng nasabing dayuhan na tumira sa bansa buhat noong 2013.
Sinabi niya na labas-masok siya sa bansa.
Idinagdag pa ni Viado na ang pinaghihinalaang espiya ay may asawang Filipina at may isang anak.
Ayon kay Viado na magkakaroon ng deportation proceedings laban sa nasabing Chinese national, bukod pa sa ibang mga kaso na ihahain laban sa kanya sa mga korte sa bansa.
Matatandaan na inaresto ng National Bureau of Investigation ang Chinese national kasama ang dalawang kasabwat na Filipino noong January 17 sa isang condominium sa Makati City dahil sa alegasyon ng pang-eespiya sa mahahalagang military at civilian infrastructure sa bansa.