Bumaba ng 34% ang bilang ng krimeng naitala sa Tuguegarao City mula Enero hanggang Mayo 2022 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa paglalahad ni PLTCOL Edith Narag, hepe ng Tuguegarao City Police Station na mula sa 173 na insidenteng naiulat nooong Enero hanggang May 10, 2021, bumaba ang bilang sa 114 ngayong 2022.
Sa index crimes, nakapagtala ng 20% na pagbaba ng mga insidente gayundin ang pagbaba sa mga non-index crimes.
Sinabi ni Narag na kapansin-pansin rin ang pagbaba sa porsyento ng pito sa walong focus crimes sa lungsod gaya ng walang naitalang insidente sa homicide at motornapping.
Sa kampanya laban sa iligal na droga, nagsagawa ang kapulisan sa lungsod ng kabuuang 29 operasyon sa unang limang buwan ng taon na nagresulta sa pagkaaresto ng 33 drug personalities at pagkakakumpiska ng 5.59 grms ng shabu at 51.05 grms na marijuana.
Bukod dito, nagsagawa rin ang kapulisan ng 13 operasyon kontra sa iligal na sugal, kung saan may mga naaresto, kasong naisampa, at nakumpiskang pera at mga kagamitan.
Nasa 77 naman na mga most wanted persons ang matagumpay na naaresto, apat dito ay tinaguriang top most wanted persons at 73 na other most wanted.
May isa ring naaresto kaugnay sa trafficking in person kung saan nahuli at kasaluyang nakakulong na sa provincial jail ang akusado.
Samantala, tatlo naman ang nahuling lumabag sa gun ban sa simula ng election period kung saan isa rito ay nahuli sa comelec checkpoint habang ang dalawa ay sa police operations na nagresulta sa pagkakakumpiska ng dalawang short firearms at isnag long firearms.
Nakapagsagawa rin ang pulisya ng kabuuang 348 oplan katok operations na nagresulta sa pagdeposito ng 21 firearms.
Tuloy-tuloy naman ayon kay Narag ang kanilang ginagawang Comelec checkpoint at wala naman naitatalang lumabag sa batas sa kasalukuyan.
Bukod dito, sinabi ni Narag na patuloy ang kapulisan sa isinasagawang mga community outreach program at pagbisita sa Brgy kung saan isang pamilya ang nabigyan ng PNP-Tuguegarao ng libreng pabahay.
Aktibo rin ang pulisya sa pakikiisa sa mga tree planting activity at clean up drive sa lungsod.