Naabot ng “danger level” o nakakabahalang antas ang heat index sa Dumangas, Iloilo at Catarman, Northern Samar noong Linggo ng Pagkabuhay, ayon sa pahayag ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration).

Ang heat index, ayon sa paglalarawan ng PAGASA, ay ang sukat kung paano nakakaapekto ang mataas na halumigmig (humidity) sa napakataas na temperatura, na siyang nagpapahirap sa katawan na magpalamig.

Kapag ang heat index ay nasa pagitan ng 42ºC hanggang 51ºC, itinuturing itong “danger” level ng PAGASA dahil sa mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng heat cramps (pulikat dahil sa init) at heat exhaustion (pagkapagod dahil sa init), na maaaring mauwi sa heat stroke.

Batay sa mga naitalang heat index ng PAGASA ngayong Linggo, ang Dumangas, Iloilo ang nakapagtala ng pinakamataas na heat index sa buong bansa na umabot sa 43ºC, habang ang Catarman, Northern Samar naman ay nakapagtala ng 42ºC.

Ang mga naitalang ito ay nagmamarka na ikalawang magkasunod na araw na ang dalawang lugar ay nakaranas ng “danger” level na pinakamataas na heat index.

-- ADVERTISEMENT --