Kinasuhan na ng paglabag sa Anti-Cattle Rustling Law ang dalawang lalaki matapos matiklo nang tangkang ibenta sa Solana ang ninakaw na kalabaw sa bayan ng Amulung West.
Bagamat dumaan sa regular filing ang kaso at nananatiling at large, sinabi ni PCAPT Junjun Balisi ng PNP Solana na nahaharap sa pagnanakaw sina Marcial Garafa at isang Ikku Caban.
Ayon kay Balisi, naging kahina-hinala na nakaw ang ibinebentang tatlong kalabaw ng mga suspek matapos ialok ng mga ito sa isang butcher sa Centro, Solana sa halagang P65,000.
Wala rin aniya silang maipakitang dokumento na magpapatunay na pag-aari nila ang mga kalabaw.
Matapos idulog sa pulisya, nabawi sa bulubunduking bahagi ng Barangay Lannig ang mga kalabaw na pagmamay-ari ng magkapatid na sina Hector at Lito Gannaban na kapwa residente sa Barangay Palayag, Amulung West.
Nabatid na November 5 pa nawawala ang naturang kalabaw ng magkapatid na pinutol ang tali nito sa may rice field.