Tuguegarao City- 190 swab samples nalamang ang hinihintay na resulta ng city health office mula sa mahigit dalawang libo na isinailalim sa aggressive testing at inaasahan itong lumabas ngayon o sa mga susunod na mga araw.

Sinabi ni dr james guzman ng CHO, sa unang lumabas na resulta, anim ang naidagdag na nagpositibo.

Kaugnay nito, ipinaliwanag niya na mayroon umanong nagiging problema sa datos ng kabuuang bilang ng nakuhanan ng swab test dahil sa tala ng City Health Office ay nasa 2,341 lamang ang naipadala ngunit sa ngayon ay sinasabing umabot ito ng 2,294.

Sinabi niya na ito ay inaalam na ng kanilang tanggapan at aasahan na maaayos at maitutugma din agad upang malaman ang opisyal na bilang ng mga nakuhanan ng swab test.

Sa pinakahuling datos ng CHO ay nasa 47 ang active cases ng COVID-19 sa lungsod kabilang na ang anim na nagpositibo mula sa ikinasang aggressive mass testing.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman aniya ang isinasagawang contact tracing ng mga otoridad para matukoy ang mga posibleng nakasalamuha ng mga pasyente.

Samantala, sinabi niya na bagamat tumatanggap pa rin ang lungsod ng mga tulong para sa mga nasalanta ng pagbaha ay maghihigpit na rin ngayon ang LGU Tuguegarao sa pagtanggap nito public at private sectors.

Ilan lamang sa mga ipatutupad ay ang pagkakaroon ng drop off area upang doon ilagay ang mga donasyong nagmumula sa ibang mga lugar bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.

Ito ay bahagi ng paglilimita sa pagpasok ng mga indibidwal sa lungsod lalo na ang magmumula sa high-risk areas ng COVID-19.

Gayonman, umapela si Guzman sa publiko na sumunod sa mga health and safety protocols na ipinatutupad upang maiwasan ang hawaan ng virus.