Inanunsiyo ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na ilalabas na bukas, Hulyo 5 ang nalalabing P27 billion para sa COVID-19 health emergency allowance (HEA) ng medical workers.
Ang paglalabas ng nasabing pondo ay matapos hilingin ng Department of Health (DOH) noong Mayo ang pag-isyu ng Special Allotment Release Order and Notice of Cash Allocation na nagkakahalaga ng P27.453 billion para sa pagbabayad ng nalalabing 5,039,926 na hindi pa nababayarang health emergency allowances at 4,283 COVID-10 Sickness at Death Compensation claims ng eligible healthcare at non-healthcare workers.
Ayon sa kalihim, matatanggap ng healthcare workers sa 2025 ang lahat ng nakabinbing COVID-19 allowance na kanilang pinagtrabahuan sa kasagsagan ng pandemiya.
Samantala, nakapaglabas na ang DBM ng kabuuang P91.283 billion sa DOH para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) na sumasaklaw sa lahat ng mga benepisyo para sa healthcare workers mula 2021 hanggang 2023.