Kinumpirmang ang 25-anyos na babaeng pilotong namatay sa napaulat na pagbagsak ng isang helicopter sa Guimba, Nueva Ecija noong Sabado ng hapon, Pebrero 1, ay piloto ni “Wil To Win” host at senatorial aspirant Willie Revillame.
Pagmamay-ari din ni Willie ang bumagsak na helicopter na pinaandar ng nasawing pilotong si Julia Flori Po.
Kagabi ng Sabado nang nagtungo si Revillame sa HM Mina Funeral Services Guimba para i-claim ang bangkay ng piloto kung saan ito ay inilipat sa Heritage Park sa Taguig City nitong Linggo.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, kinumpirma umano ng Philippine National Police (PNP) Guimba Police Station na bumagsak sa kanilang bayan ang aircraft, at iisa lamang ang sakay nito, at ito nga ang lady pilot na hindi naka-survive.
Batay pa sa CAAP, ang bumagsak na Robinson helicopter na may registration number RP-C3424, ay umalis sa Maynila bandang 10:22 ng umaga noong Sabado, Pebrero at lumipad patungong Baguio upang maglapag ng isang pasaherong hindi na tinukoy kung sino.
Umalis siya sa Baguio bandang 11:51 ng umaga at lumapag sa Binalonan, Pangasinan bandang 12:05 ng tanghali para mag-refuel.
Ngunit hindi raw agad umandar ang helicopter matapos ang pagpapa-refuel. Nakalipad ulit ang helicopter bandang 4:30 ng hapon.
Bandang 5:20 ng hapon nang iulat daw ng isang concerned citizen Guimba Police Station na may nag-crash ng helicopter sa Brgy. San Miguel.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Revillame tungkol sa isyu.