TUGUEGARAO CITY -Umaasa ang Police Regional Office no. 2 na mawawala na ang palakasan system sa recruitment ng mga bagong pulis sa bagong proseso ngayon na “nameless/faceless” recruitment process o ang paggamit ng QR code.
Sinabi ni PBGEN Crizaldo Nieves, director ng PRO 2 na sa pamamagitan din ng nasabing sistema ay magiging patas na ang pagtugon sa mga aplikante.
Ipinaliwanag na niya na ang sistema dito ay code na lang ang ibibigay ng isang aplikante at hindi na kanyang pangalan.
Idinagdag pa ni Nievez na sa pamamagitan ng nasabing proseso ay mapipili ang pinakamagagaling sa mga aplikante.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na hindi nagkukulang ng mga magagaling na aplikante ang Region 2 subalit kailangan na makuha ang mga pinakamagagaling.
Sinabi ni Nievez na may 400 na aplikante ngayon sa PNP Region 2 kung saan ang 200 ay para sa unang semestre habang ang 200 ay para naman sa second semeter.
Sa nasabi ring bilang ay 10 percent ang slots para sa mga babae.
Nakapagtala naman ang buong bansa ng 1,498 na applicants bukod pa sa 100 na naghain ng kanilang aplikasyon sa ibang national supoort unit ng PNP dahil sa mga restrictions bunsod ng covid-19 pandemic.