TUGUEGARAO CITY- Sinampahan ng kasong large scale estaffa ang isang grupo na nanghingi ng P400 sa mga residente sa Gattaran, Cagayan para maging miembro umano ng Interim National People’s Council.
Sinabi ni PMaj.Norly Gamal, hepe ng PNP Gattaran, agad silang tumugon sa sumbong ng mga barangay officials ng Capissayan at Palagao Sur na may isang grupo na nanghihikayat sa mga residente na magpa-miembro sa nasabing grupo upang makakuha sila ng P500,000 hanggang P1m mula sa Marcos wealth.
Dahil hindi nadatnan ang grupo sa Capissayan ay inimbitahan nila ang mga nagpatawag ng pulong sa mga residente na sina Jerwin at Lito Ramos, Robelyn Verbo at Macda Gonzales sa sa PNP station.
Sinabi ng mga ito na napag-utusan lang daw sila ni Maria Rovelina Barcena ng Casambalangan, Sta. Ana.
Ayon pa sa mga ito, ang P400 ay para umano sa processing ng TIN no. Ng mga magiging miemro ng binabanggit nilang grupo.
Sinabi pa ni Gamal na mahigit sa 100 ang nahikayat ng grupo na magbayad ng P400 subalit P37,000 lang ang nakuha sa mga nasabing indibidual dahil sa naipadala na umano nila ito kay Barcena.