Napabayaang gasul ang naging sanhi ng sunog na tumupok sa kabuuan ng barangay hall ng Fugu Tuao, Cagayan.
Ayon kay PMAJ Jhunjhun Balisi, hepe ng PNP Tuao, pasado alas kwatro ng hapon ng Nobyembre 16 nang maiulat ang sunog at batay sa imbestigasyon ay napabayaan ng mga duty officials ang gasul sa kusina na nagbunsod sa pagkakatupok ng buong barangay hall.
Sinabi niya na walang naisalbang gamit ang mga opisyal dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy maliban lamang sa mangilan ngilang mga dokumento.
Sa pagsisiyasat aniya ng mga otoridad ay iniwan ng duty officials ang barangay hall at hindi nila napatay ang gasul sa kusina.
Kabilang aniya sa mga nakaduty sa araw na iyon ay ang barangay kagawad na sina Mario Buenafe at Rolando Casauay kasama ang isang tanod at Barangay social worker.
Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng mga kawani ng BFP Tuao kung magkano ang iniwang pinsala ng sunog.
Sinabi ni Balisi na iimbestigahan pa rin ng pulisya ang mga nasabing duty officials at sa oras na mapatunayang may pananagutan sa insidente ay sasampahan sila ng kaukulang kaso.