Sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang dalawang pulis ng Manila Police District na sangkot sa viral traffic incident sa Taft Avenue noong Pebrero 5.

Sa pahayag ng NAPOLCOM nitong Miyerkules, nagkakaisang pinagtibay ng en banc ang pagpapatalsik kina Patrolmen Algrene Ar-ar Mirano Alcause at Jerome Caballa Toledo matapos mapatunayang nagkasala sa Less Grave Irregularity in the Performance of Duty at Conduct Unbecoming of a Police Officer.

Ayon sa komisyon, kabilang sa mga naging batayan ng desisyon ang pag-amin ng dalawang pulis, ang viral video at ang preventive maintenance report ng patrol vehicle. Sinabi rin nitong nagdulot ng pambansang kahihiyan sa Philippine National Police ang insidente.

Makikita sa kumalat na video ang patrol vehicle na umano’y sumingit at humarang sa isang motorista, habang tumatawid ito sa kabila ng pulang traffic light.

Una nang iginiit ng dalawang pulis na rumesponde sila sa isang tawag ng saklolo at nagkaroon ng aberya sa sasakyan, ngunit kalaunan ay binawi nila ang paliwanag at humingi ng paumanhin sa publiko.

-- ADVERTISEMENT --