Aabot sa mahigit P100k ang halaga ng hinihinalang shabu at marijuana ang na nakumpiska sa tatlong kalalakihan sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Agent Bing Dela Cruz, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, nagkasa ang mga operatiba ng drug buy bust operation kay Marvin Driza, 50 anyos, ngunit naisama rin sa mga nahuli dalawa nitong kasamahan na sina Mario Alden Gaspar, 25 anyos at si April Galbito, 29 anyos na pawang mga residente sa Brgy. Bostal West sa naturang bayan.
Inihayag ni Dela Cruz na matagal ng minamanmanan ng mga otoridad ang iligal na gawain ni Driza dahil dati na siyang nakasuhan at nakulong ng dalawang beses dahil sa kalakalan ng droga ngunit bumalik siya sa kanyang iligal na gawain.
Nang kapkapan ang tatlo ay na-recover sa kanila ang mga pinatuyon dahon ng marijuana na may fruiting tops na may kabuuang bigat na 605 gramo at nagkakahalaga ng P72,600 kasama ang higit kumulang limang gramo din ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P32,000.
Nakuha rin mula sa tatlo ang iba’t-iba pang drug paraphernalia.
Sa ngayon ay hawak ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehenssive Dangerous Drugs Act of 2002.