Umakyat na sa 19 ang nasawi sa landslide dulot ng Bagyong Uwan sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ayon kay Regional Director Maria Catbagan-Aplaten ng Department of Social Welfare and Development-CAR, nasawi ang mga biktima dahil sa matinding ulan na nagdulot ng sunud-sunod na landslide sa iba’t ibang bayan sa rehiyon.

Ilan sa mga biktima ay natutulog sa gitna ng sakuna habang ang iba naman ay sinubukang lumikas ngunit inabutan ng landslide.

Sa kabuuan, tinatayang 45,020 pamilya o 154,166 indibidwal ang apektado sa 831 barangay sa buong Cordillera ngayong taon.

Kabilang sa mga apektado ang Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga, Abra, at Mountain Province.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, 51 pamilya ang nasa evacuation centers habang 895 pamilya naman ang nanatili sa kanilang komunidad o kasama ang mga kaanak at kapitbahay.

Umabot din sa 3,890 bahay ang bahagyang nasira at 230 ang tuluyang nawasak.