
Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi sa naganap na landslide sa isang landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City, ayon sa Bureau of Fire Protection–Cebu City nitong Linggo.
Batay sa ulat ng BFP, nasa 31 katao pa ang nananatiling nawawala habang 12 indibidwal naman ang nasagip, bagama’t lahat ay nagtamo ng mga pinsala.
Patuloy pa rin ang search, rescue, at retrieval operations sa lugar ng insidente.
Gumagamit ang mga awtoridad ng backhoe upang linisin ang lugar at alisin ang mga debris.
Ayon sa Cebu City Public Information Office, isang 50-toneladang crane ang gagamitin para sa heavy lifting at mas mabilis na debris-clearing operations upang mapabilis ang pagsagip sa mga nawawala.
Nanatiling naka-high alert ang mga response team at patuloy naming gagawin ang lahat ng paraan upang matagpuan ang mga nawawala at matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Dagdag pa nito, magbibigay sila ng tuloy-tuloy na update habang nagpapatuloy ang operasyon.
Naganap ang landslide bandang alas-4 ng hapon noong Huwebes sa waste management facility ng Prime Waste Solutions Cebu sa Barangay Binaliw.
Samantala, dumating na rin ang mga rescue team mula sa APEX Mining sa Davao de Oro upang magbigay ng karagdagang tauhan at teknikal na tulong.
Katuwang din sa operasyon ang Joint Task Group Cebu, 53rd Engineer Brigade ng Philippine Army, Tactical Operations Wing Central, at ang 560th Air Base Group ng Philippine Air Force na ipinadala ng Visayas Command ng Armed Forces of the Philippines, kasama ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.










