
Umabot na sa 32 ang nasawi sa patuloy na palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng Thailand at Cambodia na nagsimula noong Huwebes sa border ng dalawang bansa.
Ayon sa ulat ng Thai health ministry, 19 ang namatay sa panig ng Thailand, habang iniulat naman ng Cambodia na lima sa kanilang sundalo at walong sibilyan ang nasawi.
Ilang lugar sa Thailand gaya ng Sisaket at Surin provinces ang napinsala, kabilang na ang isang nasunog na convenience store at ang pagka-abandona ng mga komunidad.
Nag-ugat umano ang tensyon nang masugatan ang ilang sundalong Thai dahil sa mga landmine na sinasabing inilagay ng Cambodia—bagay na mariing itinanggi ng pamahalaan ng Cambodia.
Sa halip, iginiit ng Cambodia na Thailand ang unang umatake.
Lumalala ang sitwasyon dahil sa matagal nang sigalot kaugnay sa hangganan kung saan naroroon ang isang templo na ipinagkaloob sa Cambodia ng International Court of Justice, at sinubukan nitong iparehistro bilang UNESCO World Heritage Site, na lalong nagpasiklab ng tensyon.
Dahil sa lumalalang sitwasyon, pinayuhan ng embahada ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Thailand at Cambodia na umiwas sa mga lugar na may kaguluhan.
Hinihikayat din ang mga kababayan nating nasa border area na agad ipagbigay-alam ang kanilang kinaroroonan sa embahada at subaybayan ang mga opisyal na anunsyo para sa kanilang kaligtasan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, tinatayang nasa 33,000 ang mga Pilipino sa Thailand, habang higit 7,000 naman ang nasa Cambodia.