SA Pilipinas, ginugunita ng National Flag Day o Pambansang Araw ng Watawat, ang araw ng unang iwagayway ang bandila ng bansa.

Nakipaglaban ang mga Pilipinong rebolusyonaryo, sa pangunguna ni Heneral Emilio F. Aguinaldo, at natalo ang tropang Espanyol, kaya nabawi ng mga rebolusyonaryo ang Cavite.

Pagkatapos ng digmaan, noong Mayo 28, 1898, sa unang pagkakataon ay iniladlad ni Heneral Aguinaldo ang watawat ng ating bansa.

Pormal na iprinisinta ang bandila sa mamamayan noong Hunyo 12, 1898.

Ang National Flag Day ay ipagdiriwang sa buong bansa ngayong araw.

-- ADVERTISEMENT --

Magdaraos ng maraming aktibidad sa maraming siyudad at munisipalidad sa bansa, partikular na sa Imus, Cavite, na pagdarausan ng kick-off activity para sa selebrasyon ng ika-118 Araw ng Kalayaan ng bansa sa Hunyo 12, 2016.

Ipagdiriwang ang National Flag Day sa pagtataas ng ating watawat, at ang permanenteng paglalantad ng pambansang simbolo na ito simula sa Mayo 28 hanggang sa Hunyo 12 sa lahat ng tanggapan at ahensiya ng gobyerno, mga negosyo, mga institusyong pang-edukasyon, at mga pribadong tahanan.

Gayunman, sa nakalipas na mga taon ay pinalawig ang mga araw ng watawat hanggang Hunyo 30 upang bigyang-diin ang selebrasyon ng kalayaan ng bansa habang isinusulong ang pagiging makabayan.

Ang paunang disenyo ng watawat ng Pilipinas ay nilikha ni Emilio Aguinaldo matapos siyang ipatapon sa Hong Kong noong 1897.

Tinahi ito ni Marcela Marino de Agoncillo sa tulong ng kanyang anak na babaeng si Lorenza at ni Delfina Herbosa de Natividad (pamangkin ng Propagandista at Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal).

Matapos siyang ipatapon, dinala ni Aguinaldo ang watawat sa bansa.

Ang disenyo ng bandila ng Pilipinas ay nabago na mula sa orihinal na imahe nito, ngunit ang kulay at ang araw at mga bituin ay nanatili sa kahulugan at isinisimbolo ng mga ito: ipinakakahulugan ng asul ang kahandaang isakripisyo ang sarili para sa kalayaan, kapayapaan, katotohanan, at katarungan; ang pula ay simbolo ng katapangan at pagiging makabayan; ang puti ay nangangahulugan ng kalayaan, pagkakapantay-pantay, at kapatiran; at tatlong bituin ay kumakatawan sa tatlong pangunahing grupo ng isla sa Pilipinas, ang Luzon, Visayas, at Mindanao; at kinakatawan naman ng walong sinag ang walong lalawigan na may mahalagang kontribusyon sa 1896 Philippine Revolution.

Pambihira ang watawat ng Pilipinas dahil ito lamang ang pambansang bandila sa mundo na nababago ang pagkakaladlad, umiiral ang kapayapaan kapag nasa ibabaw ang asul, at pula naman ang nasa ibabaw kapag may digmaan.

Bakit ba mahalaga ang tila mababaw o trivial na usapin ng kulay at mga disenyo ng watawat at ang mga kahulugan nito?

Sapagkat ang pambansang watawat ang sagisag ng lahat ng Pilipino sa buong Pilipinas, at sa buong mundo.

Nararapat lamang na iisa ang disenyo nito para sa bawat umaga na ang mga bata, propesyunal at mamamayan ay nanunumpa ng katapatan at nagpupugay sa isang himig at isang bandila sa alinmang sulok ng bansa, sumusumpa tayo sa iisang Inang Bayan, na siyang nararapat lamang pagsilbihan ng ating buong isip, salita at gawa.

Simula 1919, nang muling naging legal ang bandila ng Pilipinas, hanggang noong 1940

Ang Araw ng Watawat ay ginugunita tuwing Oktubre upang ipagdiwang ang araw na naibalik ng Lehislatura ng Pilipinas ang bandila.

Simula 1941 hanggang 1964, ang Araw ng Watawat ay ginugunita tuwing Hunyo 12, ang petsa na unang iniladlad ang watawat sa Kawit, Cavite.

Gayunman, ang Araw ng Watawat ay sumabay sa Araw ng Kalayaan, kaya sa bisa ng Presidential Proclamation No. 374 noong 1965 ay inilipat ang paggunita ng National Flag Day sa Mayo 28 upang gunitain at bigyang-halaga ang araw kung kailan unang iniladlad ang pambansang simbolo pagkatapos ng labanan.

Makalipas ang ilang taon, noong Mayo 23, 1994, inilabas ang Executive Order No. 179 upang palawigin ang paggunita sa National Flag Day mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.

Binigyang-diin ito sa Republic Act No. 8491, na may petsang Hulyo 28, 1997, na nagtatakda rin sa Code ng pambansang Watawat, Awit, Kasabihan, Coat-of-Arms, at iba pang makabayang gamiti sa Pilipinas.

Bilang paggunita sa National Flag Day, hinihimok ang mga Pilipinas na magladlad ng watawat ng Pilipinas sa kani-kanilang tanggapan, ahensiya, gamit ng gobyerno, negosyo, eskwelahan, at pribadong tahanan sa buong panahong itinakda.

Itinatakda naman ng Republic Act No. 8491 s. 1997 at Department of Education Department Order 60 series of 2007 ang mga tamang paggamit at paglaladlad sa watawat ng Pilipinas.

Mas mainam na alamin ang mga ito bago magladlad ng pambansang watawat sa lugar ng trabaho o sa bahay.

Makabubuti rin sa mga Pilipino kung muling pag-aaralan ng mga ito ang kasaysayan ng watawat ng Pilipinas upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa isinisimbolo nito, at matuto sa tamang paraan ng paglaladlad ng pangunahing simbolo na ito ng ating pagkakakilanlan bilang mamamayan.

Para sa pagdiriwang ng National Flag Day sa Martes, Mayo 28, ay magaganap ang simultaneous flag-raising ceremony sa bansa kasama ang National Historical Commission at Philippine National Police.