photo credit: PNP-KALINGA

TUGUEGARAO CITY-Naaresto na ng mga otoridad ang isang lalaki na kabilang sa national most wanted person sa Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ni P/Col Davy Vicente Limmong, director ng PNP-Kalinga ang akusado na si Jaime Bulatao, 77-anyos na tubong Brgy. Butbut proper, Tinglayan at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Malin-awa, Tabuk City.

Ayon kay Limmong, nahaharap ang akusado sa kasong murder at multiple frustrated murder.

Aniya, nangyari ang pagpatay noong 1976 kung saan pinatay ni Bulatao ang dating alkalde ng Tinglayan na si Alexander Alngag habang ang isang kaso ay nangyari naman noong 2007 nang mapasama ito sa pag-ambush sa dati ring alkalde ng Rizal, Kalinga na Mayor Marcelo Dela Cruz.

Una na rin umanong nagkaroon ng patong sa ulo ang akusada na nagkakahalaga ng P75,000 na inilabas ng DILG dahil sa pagpatay sa alkalde.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Limmong na matagal na nilang minamanmanan ang akusada ngunit nahirapan silang huliin dahil palipat-lipat ito ng tirahan hanggang sa magkaroon sila ng impormasyon na nasa lungsod na ng Tabuk si Bulatao na dahilan ng kanyang pagkaaresto.

Maayos namang sumama sa mga otoridad ang akusado ngunit mariin niya umanong itinanggi ang mga isinampang kaso laban sa sakanya.