Pormal nang binuksan ang Private Schools Athletic Association (PRISAA) National Games sa Tuguegarao City bilang host ngayong 2025 kung saan gaganapin ang ibat-ibang uri ng larong palakasan.
Dinaluhan ito ng mahigit 20-K delegado mula sa 400 pribadong paaralan sa buong bansa na kalahok sa taunang torneo, na ipinagpaliban ng tatlong beses dahil sa pandemya at mga naranasang bagyo.
Layunin ng PRISAA na patuloy na madiskubre ang potensiyal ng bawat kabataang atleta na maaaring maging kinatawan sa palakasan sa buong Pilipinas pati na rin sa buong mundo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni National PRISAA Pres. Esther Susan Perez-Mari na naipakita ng PRISAA sa buong mundo na kaya nitong lumikha ng mga world class na atleta.
Hinikayat rin niya ang mga atleta na patuloy na ipaglaban at i8sabuhat ang kanilang mga pangarap.
Ipinunto naman ni Governor Manuel Mamba ang kahalagahan ng pagkakaisa at disiplina para maipanalo ang kompetisyon at makamit ang karangalang hinahangad para sa bayan.
Umaasa rin ang Gobernador na magiging makabuluhan ang pamamalagi ng mga atleta at mga bisita sa Tuguegarao City hanggang sa matapos ang kompetisyon.
Para naman kay Tuguegarao City Mayor Maila Que, ang PRISAA ay hindi lamang isang kompetisyon, kundi isang mahalagang pagkakataon para sa pagkakaisa, pagkakaibigan at pagpapaigting ng sportsmanship sa ating kabataan.
Samantala, naging panahuhing pandangal naman sa naturang palaro sina Sen. Imee Marcos at Sen. Christopher “Bong” Go bilang Chairman ng Committee on Sports and Youth kung saan nangako ito na susuportahan ang lahat ng mga manlalarong Pinoy sa bansa at mas pagtitibayin ang pagsusulong ng mga batas at programang tutugon sa pangangailangan ng mga manlalaro para mas makilala pa ang bansa sa iba’t ibang larangan at entablado ng palakasan sa buong mundo.
Dumalo rin sa pagbubukas ng PRISAA 2025 ang mga opisyal ng National PRISAA Board of Trustees, mga Regional PRISAA Presidents, mga department, at unit heads ng LGU, at iba pa.
Kasabay ng pagbubukas ng PRISAA Meet 2025 na magtatagal hanggang Biyernes, Abril 11, 2025 ay isinagawa ang makulay na fireworks display at fellowship night na pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.