Puspusan na ang paghahanda ng Department of Education Region 2 at Tuguegarao City bilang host sa prestihiyosong National School Press Conference (NSPC) journalism competition sa February 17 – 21, 2020.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Octavio Cabasag, chief education supervisor ng DepEd Region 2 na inaasahang lalahukan ng 5,000 mga campus journalist mula sa iba’t -ibang paaralan sa buong bansa ang naturang 5-day event.
Sinabi ni Cabasag na inaayos na ang mga paaralan na magsisilbing billeting area ng mga lalahok mula sa 17 rehiyon ng bansa.
Posible rin umanong gawing quarters ang mga paaralan sa mga karatig na bayan kung hindi kayanin ng isang paaralan sa lungsod na i-accommodate ang mga participants ng isang rehiyon na nangangailangan ng 27 hanggang 30 silid aralan.
Magtatagisan sa news writing, feature writing, editorial writing, sports writing, editorial cartooning, copy-reading, column writing, collaborative and desktop publishing at radio and TV broadcasting ang mga kalahok kung saan pipiliin ang “Best Campus Journalists” sa kaukulang field.
Ang tema ngayong taon ng NSPC ay “Empowering Communities Through Campus Journalism”Maliban dito, pinaghahandaan din ng Kagawaran ang National Festival of Talents na isasagawa naman sa Ilagan City, Isabela.
Tinatayang nasa 3,000 mag-aaral mula sa ibat ibang dako ng pilipinas ang makikilahok sa naturang paligsahan na inaasahang magsimulang magsidatingan sa February 14, 2020.