Matagumpay na binuksan sa Tuguegarao City ang ika-tatlumpung selebrasyon ng National Statistics Month (NSM) ngayong 2019.

Ang selebrasyon para sa buong buwan ng Oktubre ay pinasimulan sa pamamagitan ng motorcade sa pamamagitan ng #smpadyak na nilahukan ng 260 motorbikes noong October 6.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Marilyn Estrada, director ng Philippine Statistics Authority (PSA) RO2 na layon nitong makapagbigay-kaalaman ukol sa kahalagahan ng statistics sa publiko sa pagsasagawa ng plano at pagbibigay serbisyo sa mamamayan.

Nakasentro ang selebrasyon ngayong taon sa temang; “Data Innovation: Key to a better nation” sa tulong ng Department of Information and Technology (DICT).

Ayon kay Estrada, mahalaga na makaagapay sa pagbabago ng teknolohiya upang mapabuti at mapa-angat pa ang kalidad ng statistics tulad ng data collection, data processing, data analysis, data desimination at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin naman ni Engr. Girme Bayucan, chief statistical specialist ng PSA-RO2 ang kahalagahan ng media sa pagpapalabas ng tamang datos na maaring makaapekto sa kalidad ng impormasyon.

Sinabi ni Bayucan na mandato ng PSA ang mangolekta at mag-analisa hanggang sa maglabas ng tamang datos tulad ng bilang ng populasyon na magagamit sa pagsasagawa ng desisyon.

Dagdag pa ni Bayucan na sa pamamagitan ng NSM, mapapaalalahanan ang mga mamamayan na lahat ng datos ay may kauukulang kahulugan.

Samantala, sinabi ni Estrada na patuloy ang isinasagawang pilot testing sa proseso ng Philippine Identification System na nagsimula sa NCR noong September 2 at magtatapos sa June 2020 bago ang implementasyon nito sa July 2020.