Tuguegarao Cagayan- Matagumpay na isinagawa ng Junior Chamber International (JCI) Philippines ang national launching ng “Think Green Program” sa Brgy. Anquiray, Amulung.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay John Valeriano Escobar, Regional Vice President ng JCI Cagayan Valley Chapter, napapanahon aniya ang paglunsad sa proyekto dahil sa magkakasunod na kalamidad na tumama sa Cagayan.
Sinabi pa nito na layunin ng nasabing programa na hikayatin ang publiko na makibahagi sa pangangalaga ng kalikasan bunsod ng tumitinding epekto ng climate change.
Ang Think Green Program ay isang aktibidad ng JCI kung saan ay nagsasagawa ng malawakang pagtatanim ng punong kahoy.
Ayon naman kay Janice Lampitoc, local organization President ng JCI Tuguegarao ay dumalo din ang iba’t-ibang ng JCI chapters, kasama ang LGU Amulung at ang Provincial Government kung saan nagsagawa pa ng pledge of commitment bilang pangako sa pagprotekta ng kalikasan.
Kaugnay nito ay sinabi din ni Tomas Apostol, local organization Presidentialng JCI Inc. na layon pa ng nasabing programa ang pagsulong ng organic farming upang mabawasan ang polusyon na dulot ng paggamit ng kemikal sa pagsasaka.
Samantala, hinihikayat naman ni Dr. Zsa Zsa Meneses, dating presidente ng nasabing grupo ang publiko na makibahagi sa pagsulong sa adhikain ng naturang programa para sa susunod na henerasyon.