

Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Regional Field Unit 2 at iba pang tropa ng Police Regional Office 2 ang national top most wanted person kahapon ng umaga sa Echague, Isabela.
Ayon sa CIDG at PRO2, ang naaresto na may mga alyas na ‘Bang, Poktong, at Frank’ ay may pabuya mula sa Department of Interior and Local Government na P380, 000.
Siya umano ay Periodic Status Report Threat Group (PSRTG) Listed at Secretary ng KomProb Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Ang mga nakuha sa kanya na mga kontrabando sa paglabag sa Omnibus Election Code ay nag-ugat sa pagsisilbi ng warrants of arrest laban sa akusado dahil sa kasong murder at robbery kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte.
Kabilang sa mga nakuha sa akusado ay malalakas na armas, mga magazine at maraming bala, dalawang granada, isang binocular telescope at mga personal na kagamitan.
Kaugnay nito, pinuri ni PBGEN Christopher Birung, PRO2 Regional Director ang mga otoridad na nagsagawa ng matagumpay na operasyon.
Sinabi niya na isa itong malaking tagumpay sa kampanya laban sa insurhensiya at kriminalidad sa Lambak Cagayan.
Naniniwala si Birung na ang pagkakaaresto kay alyas ‘Bong’ ay magpapahina sa mga grupo na lumalaban sa pamahalaan sa Echague, Isabela at sa mga kalapit na lugar ng kanilang operasyon.




