
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kakayahan ng Philippine Navy upang maprotektahan ang interes ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Navy, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang modernisasyon ng hukbong-dagat upang mapangalagaan ang yamang-dagat, soberanya, at seguridad ng bansa sa harap ng mga umiiral na hamon sa rehiyon.
Pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang commissioning ng BRP Rajah Lakandula, na itinuturing na mahalagang dagdag sa kakayahan ng Philippine Navy. Ayon sa Pangulo, makatutulong ang bagong sasakyang-pandagat sa pagpapatibay ng depensa at pagprotekta sa mga teritoryo ng bansa.
Samantala, pinuri rin ng Pangulo ang agarang pagtugon ng Philippine Navy matapos ang magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa bahagi ng Mindanao. Nakaalerto ang mga rescue team ng Naval Forces Eastern Mindanao para sa posibleng operasyon ng pagresponde at pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhan.
Ayon sa Office of Civil Defense, umakyat na sa 37 ang naitalang nasawi dahil sa lindol, karamihan ay mula sa Soccsksargen at Davao Region.




