Natagpuan na ng mga awtoridad ang Piper plane na nawala sa Isabela noong November 30, ayon sa Incident Management Team nitong Martes.
Sa isinagawang aerial search ng Philippine Air Force’s Sokol Helicopter ay nakita ang wreckage ng piper plane sa bahagi ng Casala, San Mariano, Isabela sa kabundukan ng Sierra Madre.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang kalagayan ng piloto ng aircraft at isang pasahero nito kung saan papunta na sa crash site ang mga ground rescuers.
Habang ang Sokol ay muling lumipad upang subukang magbaba ng PAF parajumper rescuers malapit sa pinagbagsakan ng aircraft.
Matatandaan na umalis ang Piper PA-32-300 ng Fliteline Airways, na pinangangasiwaan ng Cyclone Airways, sa Cauayan Airport ng alas-9:39 ng umaga at nakatakdang lumapag sa Palanan Airport ng alas-10:23 ng umaga noong November 30.