Nabigo ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na makita si Atong Ang sa pinasok nilang beachfront property sa San Antonio, Zambales kahapon.

Isinagawa ng NBI-NCR at NBI Olongapo units ang operasyon sa Barangay Pundaquit resort.

Bitbit ng mga operatiba ang warrant of arrest laban kay Ang sa kasong kidnapping at serious illegal detention, na inilabas ng Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Brang 26.

Pagdating ng mga NBI agents sa lugar, pinigil sila ng caretakers na pumasok sa resort.

Matapos ang koordinasyon sa legal counsel ng may-ari ng ari-arian, nagkasundo ang magkabilang panig at limang NBI agents lamang ang pinapasok sa compound.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit hindi nakita ng mga ito si Atong Ang.

Ayon sa NBI, tanging mga caretaker at contruction workers na nagsasagawa ng renovation ang nasa loob ng compound.

Habang sinasabi ng ilang residente sa lugar na pagmamay-ari ni Ang, sinabi ng mga barangay officials na tsismis lamang ito at hindi umano nila nakita na pumunta sa lugar ang pugante.

Nagsagawa rin ng raidang NB-NCR at NBI Organized Transnational Crime Division sa farms sa Sta. Cruz, Laguna at Lipa, Batangas na pagmamay-ari umano ni Ang.

Subalit hindi rin nila nakita si Ang.

Sa kabila nito, naniniwala si NBI Assistant Director for Operations Atty. Rommel Vallejo na mahuhuli din nila si Ang dahil sa walang tigil ang paghahanap sa kanya.