
Humingi ng mga dokumento at ulat ang National Bureau of Investigation o NBI sa Commission on Audit at Securities and Exchange Commission kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa 2019 Southeast Asian Games at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation Inc. o PHISGOC.
Sa liham na may petsang Hulyo 21 at pirmado ni NBI Director Melvin Matibag, hiniling ng ahensya sa COA ang kopya ng pinal na audit report na sumasaklaw sa Philippine Sports Commission o PSC kaugnay ng 2019 SEA Games at PHISGOC. Ayon sa NBI, mahalaga ang naturang dokumento upang mapatunayan ang mga natuklasan, maitatag ang mga katotohanan, at masubaybayan ang daloy ng mga pondong sinusuri sa kanilang opisyal na imbestigasyon.
Iniimbestigahan ng NBI ang umano’y mga iregularidad, anomalya sa pananalapi, at posibleng paglabag sa mga batas laban sa katiwalian na may kaugnayan sa paggamit ng pondo, disbursement, at procurement activities para sa SEA Games at PHISGOC, kabilang ang mga transaksyon nito sa PSC.
Sa hiwalay na liham, hiniling din ng NBI sa SEC ang mga rekord ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation Inc. mula 2017 hanggang sa kasalukuyan bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon. Nauna nang binuo ng ahensya ang “Task Force Cash Cow” upang siyasatin ang mga umano’y anomalya sa pagho-host ng bansa sa 2019 SEA Games matapos makatanggap ng bagong impormasyon at mga dokumento.










